MANILA, Philippines - Upang hindi na mahirapan pa ang mga matatanda sa pagpila tuwing araw ng eleksyon, isinusulong ng isang mambabatas ang advance voting para sa mga senior citizens sa local at national elections.
Sa House Bill 5963 ni Rep. Gabriel Luis Quisumbing (6th District, Cebu) o mas kilala bilang “Early Voting for Senior Citizens Act of 2012,” makakaboto ang mga kwalipikadong senior citizens ng mas maaga sa tanggapan ng municipal o city election registrar kung saan sila nakarehistro isang araw bago ang eleksyon.
Ang hakbang ni Quisumbing ay upang maiwasan ang nangyari noong 2010 national elections kung saan kitang-kita sa mga naglabasang balita sa telebisyon na nag-aalisan na lamang ang mga senior citizens sa pila dahil na rin sa hindi na kaya ng mga ito na pumila ng mahaba upang makaboto lamang.
Nakasaad pa sa House bill 5963, na 30 araw bago ang eleksyon dapat nakatago na sa Comelec ang record ng senior citizens na rehistradong botante.