Diskriminasyon sa mahihirap na pasyente kinondena
MANILA, Philippines - Kinondena ng dalawang kongresista ang umano’y diskriminasyon at pambabastos sa mga mahihirap na pasyente sa mga pampublikong ospital sa bansa.
Ikinalungkot nina Western Samar Rep. Mel Senen Sarmiento at House Assistant Majority Leader at Davao City Rep. Karlo Alexei Nograles ang kaso ng isang pasyente na napilitang lumipat sa isang pribadong ospital dahil umano sa masasakit na salita at diskriminasyon mula sa Philippine General Hospital (PGH) na maituturing na premier government hospital.
Nakakatanggap din umano ng ulat ang mga kongresista na mayroon mga pasyente sa PGH na naghihingalo na sa emergency room subalit hindi umano nabibigyan ng tamang lunas maliban na lamang kung aabisuhan daw ang doktor na naka-duty na hindi mahirap ang pasyente.
Dahil dito kayat nanawagan sina Sarmiento at Nograles sa gobyerno na gawin din moderno ang mga ospital sa Visayas at Mindanao upang hindi nagsisiksikan ang mga pasyente sa mga government hospital sa Metro Manila.
Giit ni Sarmiento, bagamat may consistent effort ang gobyerno na taasan ang kalidad sa pasilidad ng provincial at regional government hospitals mas malaki pa rin ang nakalaan sa Metro Manila.
Wala rin mga espesyalista sa government hospitals sa Visayas at Mindanao kayat napipilitan ang mga taga rito na lumuwas ng Maynila at gumastos ng malaki upang maipagamot lang ang kanilang mga mahal sa buhay.
Subalit ang nakakalungkot umano ay tinatanggihan ang mga ito sa ospital ng gobyerno kung saan ang ilang aroganteng mga hospital staff ay nagbibigay pa ng masasakit na salita dahil sa pagiging probinsyano ng kanilang mga kaharap na hindi nila alam ang proseso ng ospital.
Payo ng mambabatas, dapat pag-aralan ng PGH management ang kanilang proseso at turuan ang kanilang mga staff kung paano itrato ng maganda at hindi basura ang mga tao kahit mahihirap pa ito.
Bubusisiin din umano ng mga mambabatas ang budget ng PGH dahil maganda umano ang tono at magalang ang pananalita ng mga staff dito kapag naririnig nila na handang magbayad ang kanilang mga pasyente.
- Latest
- Trending