Big subdivisions tagilid
MANILA, Philippines - Malamang mag-people power ang mga residente ng mga ekslusibong subdibisyon sa Sta. Rosa, Laguna at iba pang subdibisyon na dating tinatawag na friar estates.
Ito ay dahil sa balitang posibleng mabawian sila ng lupain bunsod ng ruling ng Korte Suprema sa pinagtatalunang 34- ektaryang friar estate sa Quezon City na makakaapekto rin sa iba pang mga lalawigan sa bansa.
Ayon kay Sta. Rosa City assessor Nelly Gomez, tututulan ng mga residente ng Sta. Rosa ang posibilidad na mabawian sila ng titulo dahil sa naturang SC ruling.
Nauna rito, sinabi ni Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio na ang desisyon ng Kataas-taasang Hukuman sa Manotok vs Barque (G.R. Nos. 162335 & 162605) ay isang “disaster waiting to happen” dahil ang desisyon umano ay magpapawalang-bisa sa mga titulo na hawak ng mga landowners sa mahabang panahon. Kabilang ang Sta. Rosa City na bahagi ng Sta. Rosa Estate.
Ayon pa kay Gomez, “Of course, we cannot allow that to happen. We have documents.”
Sinabi ni Gomez na pinag-aaralan na nang kanilang mga abogado kung ang kaso ng Sta. Rosa ay katulad din ng sa Manotok Compound, na bahagi ng Piedad Estate.
“I believe case of Sta. Rosa may be very different to the Manotok case,” ayon pa kay Gomez. Ipinaliwanag pa nito na ang buong Sta. Rosa ay sakop lamang ng isang certificate of title, ngunit hindi naman niya masabi kung ang mga dokumento ay mayroong mga lagda na isinasaad sa Friar Land Act.
Kinumpirma din ni Gomez na ang buong Sta. Rosa ay dating “lupaing prayle” (friar land) sa ilalim ng Augustinian Recollects mula pa noong panahong bahagi pa ito ng katabing bayan ng Biñan. Ngayon ay isa nang progresibong siyudad ang Santa Rosa dahil sa mga kilalang realty developments tulad ng Eton City ng Lucio Tan group, Nuvali ng Ayala Land at Greenfield City ng Campos group.
Makikita rin sa Santa Rosa ang naglalakihang planta ng Isuzu Philippines Corp., Nissan Motors Co. Ltd., Toyota Motor Corp., Honda Motor Co. Ltd., Ford Motors, Monde Nissin Corp., Coca-Cola gayundin ang mga malls ng SM at Robinsons’ group.
Ginawa ni Carpio ang pahayag matapos magpalabas ng desisyon ang SC sa ponencia ni Associate Justice Martin Villarama, na nagdedeklarang pag-aari ng pamahalaan ang 34-ektaryang Manotok Compound dahil umano sa kakulangan ng kaukulang pirma sa lahat ng deeds of conveyance na itinatadhana ng Friar Land Act ng 1904 o ang tinatawag na Philippine Act No. 1120.
Bukod sa Laguna, maaapektuhan din ng desisyon ang mga titulo ng mga lupain sa Metro Manila, Bulacan, Cavite at Cebu na mga “lupaing prayle” rin, ayon kay Carpio, at magbibigay pagkakataon sa mga land grabbers na samantalahin ang mga land titles na nasa pag-iingat na ng mga may-ari sa napakahabang panahon.
- Latest
- Trending