MANILA, Philippines - Daan-daang residente ng Valenzuela City ang nakinabang sa dalawang araw na job fair na ipinagkaloob ng lokal na pamahalaan sa gitna ng pagdami ng mga naghahanap ng trabaho ngayong summer.
Naniniwala si Mayor Sherwin Gatchalian na ang tiyak na epektibong formula upang malabanan ang kahirapan ay ang makabuo ng maraming trabaho at ang lokal na pamahalaan ang kailangang manguna rito.
Sa dalawang araw na job fair, 88 kumpanya ang nag-alok ng libu-libong trabaho sa mga residente ng lungsod.
Sa mga aplikante, 455 ang “hired on the spot” habang libu-libo pa ang naghihintay ng interview.
“There are jobs available and there is the supply. Sometimes, all one had to do is to have the right mix, and everything will fall into place,” saad ni Gatchalian.
Ayon sa 38-anyos na alkalde, isa sa 2011 Ten Outstanding Young Man awardee, ang mga lokal na pamahalaan ang dapat na gumawa ng inisyatibo upang mapagpantay ang supply and demand sa labor market.
Tinukoy ng alkalde na marami sa mga nais maging produktibo ay nahahadlangan ng kawalan nila ng kaalaman kung anong trabaho ang dapat nilang pasukan.
Binigyang-diin pa ng alkalde na ang unemployment ay hindi lamang sa pamilya nakaaapekto kundi sa buong komunidad.
Sa dalawang araw na job fair, 8,200 job vacancies ang inialok ng 88 local companies kung saan halos 3,000 residente ang nakiisa.
Sa 1,200 kwalipikado, 455 ang nakakuha ng instant employment habang 2,830 aplikante ang naghihintay ng interview.