MANILA, Philippines - Binalewala ng Pilipinas kahapon ang babala ng China na tigilan na ang joint military exercises upang hindi ito magpalala ng sigalot sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea kasunod ng idinaos na war games kahapon sa karagatan ng Palawan.
Sinabi ni Navy Lt. Annalea Cazcarro, deputy spokesman ng Phl Balikatan 2012, ang beach raid exercises ng Pilipinas at US troops ay dinaos dakong alas-9 ng umaga kahapon na ginamitan ng 12 rubber boats na tig-anim mula sa magka-alyadong puwersa sa Oyster Bay sa Puerto Princesa City.
May 300 metro ang nilangoy ng US at Phl troops na nagsagawa ng beachfront raid sa lugar sa umano’y kuta ng mga terorista na tumagal ng halos dalawang oras.
Ang nasabing exercise ay nilahukan ng may 100 sundalo.
Nilinaw ng dalawang opisyal na ang amphibious raid exercise ay hindi konektado sa kasalukuyang standoff sa pagitan ng Pilipinas at China sa Scarborough Shoal na nasa ika-15 araw na kahapon.
“This is a bilateral exercise that we conduct every year, and this has already been planned one year before. So, this has nothing to do with any country,” ang sabi pa ng mga ito.
Magugunita na sa komentaryo nitong nakalipas na linggo ng People’s Liberation Army ng China ay nagbabala ang mga ito na ang Phl-US joint military exercises ay posibleng magpalala pa ng krisis at armadong komprontasyon sa pagitan ng dalawang bansa sa pinagtatalunang teritoryo sa West Philippine Sea.