Luisita farmers wagi!

MANILA, Philippines - Sa botong 14-0, ki­natigan ng Supreme Court (SC) ang naging desisyon nito noong November 2011 ukol sa pamamahagi ng 4,915.75 hektarya ng lupain sa mahigit 6,000 benepisyaryong magsasaka ng Hacienda Luisita.

Pinanindigan ng Kataas-taasang Hukuman ang kanilang inisyal na reso­lusyon sa kaso dahil na rin sa bigat ng mga argumento.

Samantala, sa botong 8-6 ay napagpasyahan naman ng mga mahistrado na ipatupad ang valuation ng Hacienda noong 1989 kung saan naiakyat ang usapin sa korte.

Sa desisyon ng SC, dapat sundin ng gobyerno ang 1989 valuation sa pagbabayad ng tinatawag na just compensation sa mga may-ari ng Hacienda Luisita Incorporated (HLI)  sa lalawigan ng Tarlac.

Paliwanag ni SC spokesman Midas Marquez, ang kabayaran ay dapat ibase sa per square meter na selling price ng kanilang lupa ng nasabing taon.

Sa record ng Department of Agrarian Reform (DAR), sa naturang panahon ay ibinebenta lamang ng P16 kada square meter ang lupa sa hacienda ng mga Cojuangco.

Maalala na umapela ang panig ng HLI na dapat ang 2006 value ng lupa ang magiging basehan sa matatanggap nilang bayad sa iba­bahaging lupa sa mga magsasaka.

Kabilang sa mga bumoto para sa en banc re­solution sina Chief Justice Renato Corona, Jutices Presbitero J. Velasco, Jr., Teresita de Castro, Ro­berto A. Abad, Jose P. Perez, Martin Villarama, Jr., Jose C. Mendoza at Arturo D. Brion habang nais naman nina Lucas Bersamin, Maria Lourdes Sereno, Diosdado Peralta, Mariano Del Castillo, Bienvenido Reyes at Estela Perlas-Bernabe na mu­ling pag-aralan ang ‘just compensation’ ng Special Agrarian Court .

Muli namang nag-inhibit si Justice Carpio sa pagdinig sa kaso ng Hacienda Luisita.

Ayon kay Marquez, mula simula pa naman ay hindi na talaga lumahok si Carpio sa mga delibe­rasyon sa kaso.

Nabatid na ang The Firm kung saan si Carpio ay isa sa founder ay na­ging abogado ng RCBC na may bahagi rin ng lupain sa Hacienda Luisita.?

Sinabi naman ni Mar­quez na hindi nag-inhibit sa kaso si Justice Renato Corona dahil wala namang dahilan para mag-inhibit ang punong mahistrado.

Maging si Justice Lourdes Sereno ay hindi rin aniya nag-inhibit sa kabila ng panawagan ng mga magsasaka dahil sa umano’y pagiging pro Aquino-Cojuangco nito.

Sa datos ng Korte Suprema, umaabot sa 6,296 ang benepisyaryo nito pero hindi malinaw kung ang iba dito ay buhay pa.

Show comments