Araw ng mga Buntis ipinanukala
MANILA, Philippines - Malamang magkaroon na rin ng mahalagang araw para sa mga buntis kung mapapagtibay at maipapatupad ang isang panukalang-batas ni Pangasinan Congressman Leopoldo Bataoil na isinampa niya sa House of Representatives.
Sa House Bill 6009, itinatakda ang Marso 10 taun-taon bilang special non-working holiday sa buong bansa at tatawagin itong Araw ng mga Buntis.
Hangarin ng panukala na mabigyan ang mga magiging ina ng oportunidad na makasagap ng mga kaukulang impormasyon sa pamamagitan ng mga diskusyon at interaction. Dapat din anyang kilalanin ang mga babaeng buntis bilang bayani sa sarili nilang kakayahan.
“Buwan ng kababaihan ang Marso. Tama lang na idiniin natin ang mga pangangailangan ng mga babaeng buntis sa pagdiriwang ng Araw ng mga Buntis,” sabi pa ng mambabatas.
“Ang pagbubuntis ay isang nakakahalinang katayuan sa buhay ng isang babae na halos imposibleng ilarawan. Gayunman, habang nagdadalang-tao ang babae, marami siyang kinakaharap na mga peligro. Pero, para sa maraming babae, nagiging kumpleto sila at mas masaya sa pagbubuntis,” paliwanag ni Bataoil.
Ipinaalala ni Bataoil na, noong Marso 9, 2004, ipinalabas ng noo’y Pangulong Gloria Arroyo ang Proclamation No. 569 na nagdedeklara sa Marso 10 bilang “Araw ng mga Buntis” bilang suporta sa proyekto ng Philippine Obstetrical and Gynecological Society (Foundation) Inc. (POGS).
- Latest
- Trending