DA aayuda sa power problem
MANILA, Philippines - Dahil sa tindi ng problema sa kakulangan sa suplay ng kuryente partikular sa Minadanao, kung kaya maging ang Department of Agriculture (DA) ay umiisip ng paraan tulad ng paggamit ng mga irrigation system para makatulong sa mga residente na dumaranas ngayon ng brownout.
Ayon kay Agriculture Secretary Proceso Alcala, sa report na ibinigay sa kanya ni National Irrigation Administrator Antonio Nangel, makapagsusuplay ng 15 megawatt na kuryente araw-araw kung gagamitin ang irrigation system sa bansa.
“Malaki ang magiging tulong ng kuryenteng ito sa mga tao lalo na sa kanayunan kapag natuloy ang proyekto dahil mas mura siya sa mga kuryente ng mga private power generators,” ani Alcala.
Ayon naman kay Nangel, nagpunta siya sa Japan kamakailan lang at doon niya nakuha ang ideya na kunan ng kuryente ang mga irigasyon.
Sinabi ni Nangel, lalagyan lang ng turbine engine ang isang bahagi ng irrigation canal ay magiging mini-hydro power plant na ito na maaaring pagkunan ng suplay ng kuryente.
Sa kalkulasyon ng NIA, ang 15 megawatt power supply ay maaaring makapagpa-ilaw ng 30,000 na kabahayan.
“Bukod sa makakamura ang mga consumer ng kuryente, kikita pa ang gobyerno dahil ang mga Japanese investor ay magbabayad sa NIA”, ani Nangel.
Nag-uusap na ngayon ang DA at Department of Energy (DoE) para i-finalize ang proyekto at kung wala ng magiging problema ay posibleng sa buwan ng Mayo sa 2013 ay dadaloy na ang kuryente sa mga kanayunan na galing sa mga irrigation canals.
- Latest
- Trending