MANILA, Philippines - Apat na Pinay na biktima ng human trafficking ang na-rescue ng Royal Malaysia Police sa isinagawang raid sa isang night club sa Malaysia.
Ayon kay Ambassador Eduardo Malaya, ang apat na Pinay na edad 27-36 taong gulang ay pawang nagmula sa Metro Manila na umano’y ni-recruit ng isang Ramil Garcia mula Manila patungong Zamboanga at lumusot sa Sandakan, Sabah matapos na pangakuan ng magandang trabaho at mataas na suweldo sa Malaysia.
Nang dumating sa Sandakan, ipinasa at ibinenta ni Garcia ang apat na Pinay sa isang Norminda Buko Whigan sa isang nagmamay-ari ng bahay aliwan bilang mga “customer service workers”.
Nalaman na lamang ng apat ang kanilang magiging trabaho sa isang prostitution den nang nasa Malaysia na sila.
Matapos ang dalawang linggong pananatili sa Sandakan, at walang alok na ‘bibilhin’ sila mula sa mga club owners ay agad silang dinala at isinakay sa eroplano patungong Johor Baru sa West Malaysia noong Marso 29 at ipinasa sa club owner na si Emy Wong.
Ikinulong ang apat na Pinay sa bahay ni Wong at kinabukasan ay pinagtrabaho umano sa club.
Nagawa namang makahingi ng tulong ang apat sa Blas F. Ople Policy Center hanggang sa ialerto ang Embahada na siyang nakipag-ugnayan sa Malaysian Police at isinagawa ang rescue mission.