LAPU-LAPU CITY, CEBU, Philippines - Hindi tatapatan ng Pilipinas ang ipinadalang gunship boat ng China sa Scarborough Shoal (Panatag Shoal) kundi umaasa silang mareresolba pa rin ito sa mapayapa at diplomatikong pamamaraan.
Sinabi ni Presidential Communications Group Sec. Ricky Carandang, bagama’t maliit na bansa lamang ang Pilipinas sa China ay hindi naman natin puwedeng ‘i-give up’ basta-basta ang alam natin ay ating pag-aari lalo’t national pride na ang nakataya dito.
Ipinauubaya na ng Malacañang sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of National Defense (DND) ang mga posibleng tactical decision kaugnay sa Panatag Shoal issue.
Nilinaw din ng tagapagsalita ng Palasyo na wala pa itong plano na lumapit sa ASEAN upang hingin ang kanilang suporta kaugnay ng problema sa Scarborough.
Magugunita na tumanggi ang China na lutasin ang isyu sa United Nation International Tribunal on the Law of the Seas (ITLOS).