MANILA, Philippines - Magta-tandem ang Party List Liquefied Petroleum Gas Marketers Association (LPGMA) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) para solusyunan at tuldukan ang malawakang pandaraya sa LPG sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa.
Ang pagtutok sa mga nandadaya sa timbang ng bawat tangke ng LPG ay isasagawa ayon kay LPGMA Party List Rep. Arnel Ty ng kanyang grupo katuwang ang CIDG matapos na magkasundo ang mga ito na kumilos para tukuyin ang mga sindikato at arestuhin ang kanilang mga miyembrong sangkot sa pilferage ng LPG gayundin ang mga nagbebenta ng kulang sa timbang na LPG sa publiko.
Ang sanib puwersang pagtutok ng LPGMA at CIDG ay nabuo matapos ang dayalogo ng nasabing partylist at CIDG sa pamumuno ni Police Director Samuel Pagdilao Jr.
Sa nasabi ring pag-uusap ay nilinis ni Cong. Ty si P/Sr. Supt. Rhodel Sermonia na unang naakusahan ng maling mga alegasyon na nagmula sa maling impormasyong isinubo ng kanyang impormante.
Matapos ang dayalogo sa pagitan ng mga opisyal ng CIDG ay nabigyang-linaw na si Sermonia ay hindi nagpartisipa sa isang operasyon dahil hindi saklaw ng duty at jurisdiction nito bilang chief ng Administrative and Resource Management Division (ARMD) na personal na pangunahan ang operasyon.
Dahil sa nasabing paglilinaw, naniniwala ang kongresista na dapat na maibalik sa CIDG si Sermonia.
Idinagdag pa ni Ty na ang LPGMA at ang CIDG ay magkatuwang na mag-iimbestiga sa totoong mga nasa likod ng pagbabanta sa kanyang buhay.