MANILA, Philippines - Kasado na ang isasagawang demonstrasyon ng iba’t ibang militanteng grupo ng mga manggagawa para sa Labor Day sa Mayo 1.
Ang Labor day protest ay tinagurian ng Kilusang Mayo Uno (KMU) at mga kaalyadong grupo bilang araw ng paniningil at paglaban para kondenahin ang kahinaan ni Pangulong Noynoy Aquino na tuparin ang mga pangako nito kontra kahirapan at kagutuman sa bansa.
Mula kahapon hanggang sa Mayo 1 ay nakalatag na ang mga lugar na pagdarausan ng protesta ng mga manggagawa kabilang sa gusali ng Department of Labor and Employment, Wage Board, Pandacan oil depot, tanggapan ng mga kumpanya ng langis, Malacañang at US Embassy.
Sa Liwasang Bonifacio naman idaraos ng KMU at iba pang militanteng grupo ang malawakang pagkilos sa unang araw ng Mayo.
Tampok sa kanilang pagkilos ang kahilingang isabatas ang 125 legislated wage hike bill, pagbasura sa contractualization, bigtime rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo at pagpapalayas sa mga sundalong Kano sa bansa.