K+12 haharangin ng teachers
MANILA, Philippines - Haharangin ng isang grupo ng mga pampublikong guro sa Metro Manila ang ipatutupad na K+12 Program ng Department of Education (DepEd) dahil hanggang ngayon ay hindi pa umano sila isinasailalim sa pagsasanay ng kagawaran para sa bagong curriculum.
Sinabi ni Manila Public School Teachers Association (MPSTA) president Benjie Valbuena na tila nagmamadali ang DepEd at si Secretary Armin Luistro na ipatupad ang dagdag na dalawang taon sa 10 taong basic education gayung lumabas umano sa ilang pag-aaral na walang kinalaman ang taon ng basic education sa kalidad ng edukasyon at mas makatutulong pa rin ang sapat na pondo.
Sa kabila ng pagtiyak ni Luistro na may sapat na pondo ang programa, hindi dito naniniwala si Valbuena dahil hindi pa naman umano ito naisabatas kaya nangangahulugan na wala itong pondo.
Binanggit rin nito ang kawalan ng “clear-cut policy” ng DepEd kaugnay ng programa dahil may mga pribadong paaralan na hindi naman magpapatupad nito, pero obligado ang lahat ng public schools na sumunod.
Inaasahan umano nila sa darating na pasukan na lalo pang hihirap ang daranasin ng mga guro sa ipinipilit na bagong kurikulum at inaasahang paglobo ng populasyon ng mga mag-aaral sa pampublikong paaralan dahil sa darami muli ang magta-transfer bunsod ng pagtataas sa matrikular sa mga pribadong paaralan.
- Latest
- Trending