Krisis sa lupa nakaamba
MANILA, Philippines - Daang libo hanggang isang milyong landowners ang malamang mawalan ng lupain na dating may Spanish titles o yung tinatawag na “lupaing prayle” dahil umano sa palsong desisyon ng isang mahistrado ng Korte Suprema na kinatigan ng pitong iba pang mahistrado.
Ang mga apektadong lupain ay matatagpuan sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Cebu.
Ito ang inamin ni Senior Associate Justice Antonio Carpio ng Korte Suprema. Ayon kay Carpio, nagdesisyon ang hukuman na ibigay sa pamahalaan ang 34-ektaryang Manotok Compound sa Quezon City dahil umano kulang sa pirma ang mga dokumentong nagpapatunay ng pag-aari ng lupa.
“Taliwas sa pananaw ng mayorya, nagbigay ang mga Manotok ng di-matibag at kapani-paniwalang katibayan ng tatlong Assignments of Sale Certificate pati na rin ng iba pang sumusuportang dokumento. Malinaw at walang duda nitong pinatutunayan na mayroon ngang Sale Certificate No. 1054,” sabi ni Carpio.
Ang desisyon ay sinulat ni Associate Justice Martin Villarama at kinatigan ng 7 pang mahistrado ng mataas na hukuman, ngunit iginiit ni Carpio na palyado ang desisyon at makasasama ito sa maraming may-ari ng lupa.
“Daang libo, kung hindi milyong katao ang maaring mawawalan ng kanilang pag-aaring lupa. Ito ay isang malaking sakunang nakaambang mangyari – isang dagok sa integridad ng ating sistemang Torrens at sa stabilidad ng mga titulo sa lupa sa ating bansa,” ani Carpio sa kanyang pagtutol sa pasya ng mayorya sa kasong Manotok vs. Barque (G.R. Nos. 162335 & 162605).
Maaring makansela ang mga titulo ng mga lupang kasama sa mga “Lupaing Prayle” dahil sa Acto No. 1120, o ang Batas sa Lupaing Prayle ng 1902, na naglalayong isalin sa mga Pilipino ang lahat ng mga lupaing kinamkam ng mga prayle noong rehimeng Kastila sa Pilipinas.
“Inaamin ng mayorya na sumasalin sa bumibili ang pag-aari ng isang lupaing prayle basta nabayaran ng buo ang presyo ng lupa. Dapat namang aminin din nila na naisalin na sa mga Manotok ang pag-aari ng lupa nang mabuo nila ang pagbabayad noong Disyembre 7, 1932 maski na walang lagda ng Kalihim ang Deed of Conveyance,” ani Carpio.
“Hindi dapat parusahan ang mga Manotok dahil hindi na makita ang mga dokumento na dapat pangalagaan ng gobyerno. Ilang may-ari ng lupa ang makakapag-bigay ng mga orihinal na sale certificates,” dagdag pa niya.
- Latest
- Trending