MANILA, Philippines - Hindi pa rin sususpendihin ng liderato ng Kamara si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo kahit na aprubahan ng Sandiganbayan ang petition na inihain ng prosecutors mula sa Office of the Ombudsman.
Paliwanag nina Majority leader Neptali Gonzales II at Maguindanao Rep. Simeon Datumanong, maari lamang suspendihin ang isang miyembro ng Kamara kung ang kasalanan nito ay misconduct o hindi maayos na pag-uugali at sa pamamagitan ng majority vote.
Giit naman ni Datumanong na kilalang kaalyado ni Arroyo, base sa Konstitusyon hindi maaring magsuspinde ang Sandiganbayan ng isang miyembro ng kongresista kundi tanging ang Kongreso lamang.
Ang panawagang suspension kay Arroyo ng government prosecutors ay kaugnay sa kasong graft na kinakaharap nito bunsod sa naunsyaming NBN-ZTE deal contract.
Sa inihaing motion sa Sandiganbayan Fourth Division, hiniling ng Office of the Special Prosecutor sa Ombudsman na magsagawa ng mandatory suspension sa mga opisyal na nahaharap sa graft charges.
Ayon naman kay Gonzales, ang kasong graft charges ni Arroyo ay hindi sakop ng hurisdiksyon ng Kamara partikular na ang ethics committee dahil ang sinasabing kaso ng dating pangulo ay ginawa noong hindi pa ito kongresista.
Inihalimbawa ng mambabatas ang kaso ni South Cobatabo at General Santos Rep. Pedro Acharon Jr. na binigyan ng 90-day suspension ng Sandiganbayan dahil sa kasong graft subalit hindi nila ipinatupad dahil naganap ang kaso noong ito ay Alkalde pa ng Mindanao City.