MANILA, Philippines - Nakapili na ang Philippine Bamboo Foundation ng limang pangunahing lugar kung saan magtatatag ito ng mga bamboo forests para makatulong lumikha ng hanapbuhay para sa mga residente at makatulong sa greening program ng pamahalaan sa mga lalawigan.
Inihayag ni Foundation president Edgardo Manda na ang mga lugar ay Benguet, La Union, Fort Magsaysay in Nueva Ecija, Palawan at Bicol.
Ang kabuuang sukat ng mga naturang lugar ay humigit-kumulang sa 3,000 ektarya, ayon kay Manda.
Sinabi ni Manda na dinesisyunan ng Foundation ang malawakang pagpapalaganap ng mga bamboo forest matapos ang kauna-unahang pandaigdigang pagkilala sa isang programang nagpapalaganap ng kawayan.
Ayon kay Manda, tinanggap ng Bamboo for Africa Program ng The Food and Trees for Africa (FTFA) ang parangal mula sa Verified Carbon Standard (VCS) dahil sa nagagawang pagbabawas ng bamboo ng carbon mula sa atmosphere.
Ang VCS ang pangunahing samahang kinikilala sa buong daigdig sa pagsukat ng pagbabawas ng carbon mula sa atmosphere.
Maaaring makipag-ugnayan ang lahat ng interesadong magkaroon ng bamboo forest sa kanilang lugar, pribadong sector man o pampubliko, sa Foundation. Tawagan si Mike Gomez sa 817-14-09.