MANILA, Philippines - Nagpalabas na ng P300,000 reward ang mga pribadong sektor laban kay dating Palawan Governor Joel Reyes at kapatid nito na pawang itinuturong mastermind sa pagpatay sa environmentalist/brodkaster na si Dr. Gerardo Ortega noong Enero 2011.
Siinabi ni Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo na ang nasabing reward ay mula sa pondo ng mga supporters ni Ortega sa pribadong sektor gayundin mula sa fund-raising ng kampo ni Patria Ortega, ang misis ng biktima.
Bukod kay ex-Gov. Reyes, hinahanting din ng pulisya ang kapatid nitong si Coron, Palawan Mayor Mario Reyes Jr.
Naniniwala naman si Robredo na nagtatago lamang at hindi pa nakalalabas ng bansa ang magkapatid na Reyes.
Noong Enero 24, 2011 ay pinagbabaril sa ukay-ukay store sa Puerto Princesa City, Palawan si Ortega ng nasakoteng gunman na si Marlon Recamata na umamin na binayaran lamang umano siya ng security aide ni ex-Gov. Reyes ng P150,000 para paslangin ang brodkaster.
Nasakote rin si dating Palawan Provincial Administrator Romeo Seratubias matapos na matukoy sa imbestigasyon na baril nito ang ginamit sa pagpatay kay Ortega.