MANILA, Philippines - Ipapatupad ni Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Gov. Mujiv Hataman ang “No Gun Zone” o pagbabawal na magpasok ng armas sa kapitolyo ng ARMM.
Ayon kay Gov. Hataman, layunin nitong maging firearms-free ang provincial capitol upang maiwasan ang anumang karahasan.
Ito ang pahayag ni Hataman ng kanyang accomplishment report para sa kanyang 100 days bilang governor ng ARMM na dinaluhan ng matataas na opisyal ng mga lalawigan na kanyang nasasakupan. Kabilang sa mga lalawigan na sakop ng ARMM ang Sulu, Basilan, Tawi-Tawi, Lanao del Sur at Maguindanao.
Sa ilalim ng bagong patakaran ng ARMM, simula kahapon ay ipapadeposito muna sa mga tauhan ng pulisya ang lahat ng armas ng mga sibilyan o opisyal na papasok sa kapitolyo.
Layunin umano nitong tuluyang walisin ang militarisasyon na nagiging dahilan ng mga posibleng banggaan ng puwersa ng mga private armies at matugunan na rin ang problema ng loose firearms.