MANILA, Philippines - Posibleng makapag-export na ang Pilipinas ng bigas sa ibang Asian countries sa susunod na taon dahil na rin sa inaasahang dagdag na ani ng palay ng mga magsasaka.
Sa pakikipagpulong ni Department of Agriculture (DA) Secretary Proceso Alcala sa mga magsasaka ay kanyang inanunsiyo na hindi na mag-i-import ng bigas ang Pilipinas sa susunod na taon sa halip ay posible pang mag-export.
“Our rice importation era will end this year since our palay production will be enough for our consumption and reserves starting next year,” anang kalihim.
Sinabi naman ni National Irrigation Administration (NIA) Administrator Antonio Nangel na isa sa susi ng malaking ani ng palay ay ang ‘massive construction’ ng mga bagong irrigation systems na siyang dahilan kung kaya tatlong beses sa loob ng isang taon ay maaari nang makapag-ani ng palay ang mga magsasaka.
Malugod ring pinasasalamatan nina Alcala at Nangel si Pangulong Noynoy Aquino dahil sa pagbibigay nito ng prayoridad sa agricultural sector at suporta sa ‘rice sufficiency’ program ng DA.
“By next year, we will even surpass that 1.8 million hectares of irrigated lands,” pahayag pa ni Nangel.
Sinamantala rin nina Alcala at Nangel ang ‘Lenten break’ para inspeksiyunin ang ibat-ibang irrigation constructions at rehabilitation sa iba’t ibang probinsiya.