MANILA, Philippines - Isang anak ng vice-mayor at isang retired police chief inspector ang umano’y nasa likod ng malawakang sindikato na nagbabawas ng Liquified Petroleum Gas (LPG) sa Metro Manila at Central Luzon.
Ito ang ibinunyag ni LPG-Marketers Association (LPG-MA) Rep. Arnel Ty kasabay ng pagsasabi na ninanakaw ng sindikato ang cylinders ng mga lehitimong LPG traders mula sa open market at saka ito lalagyan ng kulang at ibebenta.
Idinagdag pa ni Ty na siya ring miyembro ng House Committee on public order and safety, kanila na ring iniimbestigahan ang ulat na sangkot din ang naturang grupo sa hijacking ng fuel tanker trucks sa Bataan at Pampanga.
Giit pa ng Kongresista, kinilala na ng National Police’s Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang anak ng vice mayor at retired officer na siyang nagpapatakbo ng sindikato ng LPG refilling stations sa Metro Manila, Bulacan at Bataan.
Karaniwan umanong nabibiktima at nadadaya ng nasabing sindikato ang mga consumers na hindi kayang bumili ng 11-kilogram cylinder.
Samantala, umaasa naman si Atty. Miguel Ponce Jr., chief of staff ni Ty, sa mabilis na aksyon mula sa CIDG’s Anti-Fraud Division upang mapuksa ang sindikato na siya ring itinuturong pinanggagalingan ng death threats ng kongresista.