100-libo trabaho alok sa job fair sa Labor Day
MANILA, Philippines - Aabot sa mahigit 100,000 trabaho sa loob at labas ng bansa ang iaalok ng mahigit 300 employer sa gagawing Job and Livelihood Fair ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa “Labor Day” sa Mayo 1.
Ito ang inanunsyo ni Labor Secretary Rosalinda Baldoz kasunod ng mga paghahanda ng Kagawaran para sa nasabing aktibidad na gagawin sa World Trade Center sa Pasay City.
Ani Baldoz, ang nasabing job fair ay bukas para sa lahat ng jobseekers, bagong graduates, mga overseas Filipino worker (OFW) na nawalan ng trabaho at sa lahat ng interesado.
Kabilang sa mga local employer na lalahok sa job fair ay mga nasa business process outsourcing, tourism, banking and finance, hotel and restaurant, health and wellness, at construction sectors.
Mayroon din naman aniyang lalahok na 100 licensed private recruitment agencies, kung saan 75 rito ay land-based habang ang 25 ay sea-based.
Tiniyak naman ni Baldoz na lahat ng mga employer na sasali sa Jobs and Livelihood Fairs ay dadaan sa masusing screening.
Kaugnay nito, sinabi ng kalihim na magkakaroon rin ng livelihood counseling; product display and sales; franchising exhibits; video presentation ng mga successful entrepreneurial, skills training, job generation stories; at livelihood skills demonstration sa nasabing event.
Bukod sa Metro Manila ay magsasagawa rin ng kaparehong job and livelihood fairs ang DOLE sa iba’t ibang lalawigan sa bansa.
- Latest
- Trending