MANILA, Philippines - Matapos ang apat na araw na standoff, tuluyan ng humupa ang tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China sa pinag-aagawang teritoryo sa Scarborough Shoal matapos na mag-pullout na sa lugar ang lima pang Chinese fishing vessels kasama ang isa pang Chinese maritime vessel nitong Biyernes ng gabi.
Ito ang kinumpirma kahapon ni AFP-Northern Luzon Command Chief Lt. Gen. Anthony Alcantara.
“This is a good development. It shows that both parties want to resolve the issue peacefully,” ani Alcantara.
Nitong Biyernes ng umaga ay una nang nag-pullout sa lugar ang tatlong Chinese fishing vessel at dalawang maritime vessel ng China, na ayon sa mga opisyal ay bahagi ng negosasyon sa pagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA) at ni Chinese Ambassador Ma Keqing.
Dala ng mga Chinese sa kanilang pag-alis sa lugar ang mga buhay na pating, corals, taklobo at iba pang “endangered marine species”.
Naniniwala si Alcantara na bahagi ito ng napagkasunduan ng dalawang bansa sa pamamagitan ng diplomatikong negosasyon.
Isang surveillance ship na lamang ng China (Zhonggou Haijan 84) at isang barko ng Philippine Coast Guard (PCG), ang BRP Pampanga (SAR-003) ang nasa Scarborough na nagbabantay na lamang sa lugar at wala ng tensyon.
Samantalang tiniyak rin ng heneral na patuloy ang kanilang mahigpit na pagbabantay sa lugar gamit ang naval, air at troop assets upang maiwasang maulit pa ang insidente.
Ang Scarborough Shoal ay may 124 nautical miles lamang ang layo sa Zambales na nasasaklaw ng 200 Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa.
Bukod sa Scarborough Shoal ay nakikipag-agawan rin ang China sa pag-angkin sa Spratly Islands na malapit naman sa Puerto Princesa City, Palawan.