NoKor rocket sablay!
MANILA, Philippines - Bagama’t natuloy at pumalpak ang paglulunsad ng rocket kahapon ng North Korea, kinondena pa rin ng Pilipinas ang nasabing hakbang at iginiit na nakikiisa ang bansa sa international community sa panawagan na abandonahin na ng Nokor ang ballistic missile program nito bilang pagtupad sa isinasaad ng United Nations Security Council resolutions.
Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na naisakatuparan ng Democratic People’s Republic of Korea (DPRK) ang planong paglulunsad ng long-range rocket sa kabila na pinagbabawalan na ituloy ang nasabing ‘missile’ test.
Ayon sa DFA, nilabag ng Nokor ang napagkasunduan ng mga miyembrong bansa ng UN Security Council at sa naaprubahang UN Security Council Resolutions 1695 (2006), 1874 (2009) at 1718 (2006) na nag-aatas sa Nokor na suspindihin o abandonahin ang kanilang ballistic missile program at iba pang aktibidad na may kaugnayan sa paggawa ng mga missile o nuclear weapons.
“The DPRK should reconsider its current path of isolation from the international community. The Philippines strongly urges the DPRK to desist from acts of provocation and to end its use or testing of ballistic missile technology” diin ngDFA.
Nanawagan ang Pilipinas sa North Korea na tupdin ang UN Security Council Resolutions at abandonahin ang natitirang “weapons of mass destruction”
“The Philippines reiterates its readiness to work with international partners in the effort to ensure peace and stability in the Korean Peninsula,” ayon pa sa statement ng DFA.
Ikinagalak naman ng Malacañang na walang nasaktan o napinsala sa paglulunsad ng rocket ng NoKor na sumablay sa kanilang target, ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte.
Ibinalik naman sa normal na ruta ng Civil Aviation Authority (CAA) ang mga flights ng ibat ibang eroplano na naunang binigyan ng rerouting dahil sa rocket launch.
Hindi pa rin dapat mapanatag ang publiko kahit na pumalpak ang rocket launch ng North Korea kahapon.
Ito ang binabala ni Antipolo Rep.Romeo Acop at asahan pa umano ang susunod pang rocket launch ng NoKor dahil deteminado umano ang mga ito hanggang hindi naitatama ang kanilang eksperimento.
Naniniwala din si Acop na ang mga produkto ng siyensya ay nagmula sa mga failed experiments na nahulma at naperpekto sa tagal ng panahon ng pagbuo dito.
- Latest
- Trending