MANILA, Philippines - Hinikayat ni Valenzuela City Mayor Sherwin Gatchalian ang lahat ng lokal na pamahalaan sa bansa na alagaan at tumulong sa paglikha ng mga batang maihahalintulad kay Albert Einstein.
Nanawagan ang Department of Interior and Local Government awardee for good governance sa mga lokal na opisyal na palakasin pa ang mga programa para sa Mathematics, Sciences at Information Technology subjects sa bawat paaralan upang malunasan ang unemployment.
Ipinaliwanag ng dating kongresista na sa kasalukuyang educational system, matindi ang mismatch sa mga kursong iniaalok at mga trabahong bukas sa merkado kaya’t nagkakaroon ng oversupply ng mga graduates sa liberal arts at iba pang kursong kaugnay nito.
Napuna rin ni Gatchalian na maraming high school students at graduates ang umiiwas sa Science at Math courses dahil hindi sila handa sa naturang mga asignatura.
“No one wants to be scientists, chemists or physicists because these courses are difficult,” saad ni Gatchalian.
“What’s frustrating is that the jobs in these courses are the ones available but nobody is qualified,” dagdag pa nito.
At dahil sa kawalan ng preparasyon sa mga estudyante, kumukuha na lamang sila ng non-board courses tulad ng mass communications, business management, liberal arts na limitado naman ang demand at may oversupply ng graduates.
Malaki anya ang magagawa ng local government units upang balansehin ang sitwasyon sa pamamagitan ng promosyon at pagsuporta sa Science at Mathematics courses upang gawing competitive ang mga estudyante at palakasin ang kanilang market value.
Inihalimbawa pa nito ang karanasan sa Valenzuela City kung saan tumulong ang local government upang palakasin ang base curriculum sa secondary education ng Department of Education.