MANILA, Philippines - Nalagay sa peligro ang isang pasahero ng Airbus A320 ng Airphil Express flight 2P-943 ng mag-bomb joke siya na naging dahilan para mag-abort take off sa runway 06 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang nasabing eroplano, kahapon.
Kinilala ni Col. Ma nuel Pintado, PNP-Police Center for Aviation Security, ang pasaherong si Rolando Almario.
“Bahala na kayo, may pasasabugin kami dito,” ayon sa ulat ng mga awtoridad base sa sinabi ni Almario.
Nabatid na ang suspek at kanyang mga kaibigan ay magkakahiwalay na nakaupo habang ang eroplano ay nakatakdang lumipad dakong alas-12:20 ng tanghali.
Agad na ipinagbigay-alam ng flight attendants na nakarinig sa sinabi ni Almario sa piloto na agad ding tumawag sa mga awtoridad para ipahuli ang pasahero.
May babala ang airport authorities sa mga pasahero na hindi pinapayagan ang bomb jokes sa loob ng terminal at lalong-lalo na kapag nasa loob ng eroplano, na may katapat na kaparusahan.
Nang maibalik ang eroplano sa docking bay ng terminal 3 para sa clearing operations, hiniwalay ang suspek sa ibang pasahero.
Bago rito, hiniling ng suspek at ng kanyang mga kasama sa customer service agent (CSA) sa airline check-in counter na mabigyan sila ng mga upuan para magkakatabi silang nakaupo sa loob ng eroplano.
Hindi pa alam kung tinanggihan ng CSA ang kanilang kahilingan, pero habang nakapila ang eroplano sa runway 06, biglang nagsalita daw si Almario ng bomb joke.
Dahil sa aborted take-off nagka-problema ang flight operations sa runway dahil nabalam ang pag-landing ng dalawang Philippine Airlines flight PR-196 mula Puerto Princesa at PR-592 mula sa Ho Chi Minh.