P100M ballot boxes pagsasayang lang
MANILA, Philippines - Tahasang sinabi ni Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz na pagsasayang lamang ng pera ng bayan ang plano ng Commission on Elections na maglaan ng P100 milyon budget sa pagbili ng bagong ballot boxes para sa 2013 midterm election sa bansa.
Ayon kay Cruz, mayroon namang mga ballot boxes na ginamit noong nakaraang Presidential election na hindi magamit dahil sa election protest ni dating senador Mar Roxas laban kay Vice President Jejomar Binay na maaring gamitin kaysa bumili ng bagong ballot boxes na nagkakahalaga ng P100 milyon.
Giit ni Cruz, maraming nagugutom at naghihirap na dapat paglaanan ng pondo kesa sa ballot boxes na ‘di naman napapakinabangan ng taumbayan.
Binigyang-diin pa nito na higit na dapat tutukan ng Comelec ay kung papano matiyak ang maayos at credible na halalan sa susunod na taon.
Aniya, tila naghahanap na lamang ng pagkakagastuhan ang Comelec samantalang ang tunay na problema tuwing eleksiyon ay ang sistema ng bilangan at ang dayaan.
- Latest
- Trending