Nuke plant kailangan sa power crisis
MANILA, Philippines - Iginiit ni Philippine Nuclear Research Institute Director Alumanda dela Rosa na malaki ang maitutulong sa bansa ang Nuclear Power Plant, kasunod ng napipintong krisis sa kuryente sa Mindanao at iba pang panig ng bansa.
Ayon kay dela Rosa, sa kabila ng nangyari sa Fukushima Japan kung saan nagkaroon ng problema ang kanilang Nuclear Plant, marami pa ring mga bansa ang nagsusulong ng ganitong pagkukunan ng kuryente.
Inihalimbawa nito ang bansang Vietnam kung saan dalawang Nuclear Power Plant ang kanilang ipinapagawa sa ngayon.
Sinasabing sa ganitong pamamaraan ay tiyak na bababa ang presyo ng kuryente sa bansa at malaking ginhawa ang maitutulong sa maraming Pinoy.
Gayunman, mas naniniwala si dela Rosa sa pagtatayo na lamang ng panibagong planta sa halip na isailalim sa rehabilitasyon ang Bataan Nuclear Power Plant kung saan malaki anya ang maaring magastos kaya mas mainam kung magtatayo na lang ng bago.
Giit ng opisyal, may 12 lugar na silang inirekomenda sa bansa na pwedeng pagtayuan ng mga Nuclear Power Plant.
- Latest
- Trending