MANILA, Philippines - Nagsampa ng kasong sibil sa korte ang isang negosyante sa Quezon City Regional Trial Court matapos hilingin ang pagpapalabas ng Injunction at Temporary Restraining Order (TRO) makaraan bakuran ang gusali ng kanyang inuupahang puwesto ng bagong may-ari ng gusali na nakabili sa naturang estblisimyento.
Sa 12 pahinang kahilingan, nagsampa ng kasong Breach of Contract with Specific Performance and Damages with Prayer for Injuction and/or TRO ang complainant na si Ruth Ligtas. businesswoman, ng 23 Diamond Lane, Morning Star, Culiat, QC laban sa Sunland Development Corp.
Sa reklamo ni Ligtas, sinabi nito na siya ay umuupa ng isang puwesto sa LTV Building sa 627 Edsa, Cubao, QC sa kanyang negosyong general merchandise na buy and sell sa halagang P13,830 kada buwan.
Sinabi ni Ligtas na ang naturang puwesto ay sinimulang upahan ng kanyang mga magulang noong Agosto 1982 na kanya naman minana.
Ang LTV Building ay dating pagmamay-ari ng Fil-Ocean Maritime Corp. at naibenta sa Sunland.
Nitong Marso 2, 2012 nakatanggap siya ng sulat mula sa Sunland Corp. na nagsasabing ang LTV building ay nakatakdang idemolis sa Abril 15, 2012 at inaabisuhan siya kasama ang iba pa niyang kasamahan na umuupa na lisanin na ang kanilang inuupahang puwesto.
Nitong Abril 1, 2012 sinimulan ang pagbabakod sa paligid ng LTV upang bigyang daan ang pagsasagawa ng renovation na dahilan sa pagsasampa nito ng kahilingan para sa TRO sa korte.