CLEP nagpapaunlad ng kababaihan
MANILA, Philippines - Nagtapos ang mga maybahay, mga preso, out-of-school youth, mga kalalakihang walang trabaho, at maging senior citizens sa lungsod ng Tacloban, kasabay ng batch 2012 sa Cristina’s Learn and Earn Program (CLEP), isang komprehensibong livelihood at entrepreneurial training program upang paunlarin ang mga residente.
Higit sa 3,000 mag-aaral na ang nagtapos simula 2007, walo sa sampu ay mayroon na ngayon sariling trabaho o negosyo. Ang ilan ay nakapagtrabaho pa sa ibang bansa. Ang mga dating maybahay ay nagbibigay na ngayon ng serbisyong manicure, pedicure, foot spa, paggugupit ng buhok, reflexology at pagluluto. Ang mga nagtapos sa silk screening ay mayroon ng sariling printing shops.
Natugunan ng CLEP ang kakulangan sa sahod ng pamilya. Isa si Elisea Campos sa mga gradweyt ng CLEP. Ang 52-taong gulang na nanay ng tatlong bata ay nagtapos ng 3-buwang food processing and cooker’s program ng CLEP na ibinigay ng libre ni Mayor Alfred Romualdez.
Nagsimula ng maliit na negosyo ng embutido at longganisa si Elisea, mga kaibigan at kapitbahay ang kanyang unang parokyano. Ngayon ay nagdadala na si Elisea ng embutido at longganisa sa mga opisina sa lungsod.
Isang programa ni Tacloban First Lady Councilor Cristina Romualdez, ang CLEP, sa pakikipagtulungan ng DepEd ALS (Alternative Learning System) na naglalayong itaas ang kalagayan ng mga maybahay sa Tacloban at baguhin ang buhay ng mga kababaihang nasa krisis. Ngunit tumutulong din ang CLEP sa mga kalalakihan, senior citizens at mga kabataang hindi nag-aaral.
“Kailangan natin silang bigyan ng alternatibong pagkakakitaan para mabigyan sila ng pagkakataong magkaroon ng mas disenteng buhay,” ani Konsehal Romualdez.
- Latest
- Trending