MANILA, Philippines - Nakakatanggap umano ng death threat si LPG-Marketers Association (LPG-MA) party list Rep. Arnel Ty mula sa isang mataas na opisyal ng pulisya na umano’y protektor ng mga abusado at mandarayang refillers ng Liquified Petroleum Gas (LPG) sa kanilang mga customers.
Ayo kay Atty. Miguel Ponce Jr., chief of staff ni Ty, nais nilang ikonsidera na potential death threat ang natatanggap ng kongresista at ng pamilya nito mula sa isang mataas na opisyal ng kapulisan na umano’y nagbibigay ng Mafia-like protective sa mga abusadong LPG refilling station.
Ang nasabing mga LPG refilling station umano ay naisyuhan ng search warrant ng korte dahil sa pang- aabuso at pandaraya sa kanilang mga customer.
Dahil dito kaya’t naghain na umano sila ng reklamong obstruction of justice, unjust vexation at violations of the Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees laban sa naturang opisyal sa tanggapan ni National Police Director General Nicanor Bartolome.
Bagama’t hindi pinangalanan ni Ponce ang nasabing opisyal ay ipinag-utos na umano ni Bartolome na sibakin si Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Senior Supt. Rhodel Sermonia mula sa kanyang puwesto base na rin sa reklamo ni Ty.
Si Sermonia ay kabilang sa 20 CIDG officers na sinibak ni Bartolome noong nakalipas na linggo matapos masangkot umano sa iba’t ibang iregularidad at illegal na aktibidad bukod pa dito na nahaharap din sila sa kasong administratibo.
“The Congressman fears not so much for his personal security, but for the safety of his family. Besides, the officer who made the threat has control over a large group of armed men due to his high position in the force,” ayon pa kay Ponce.
Idinagdag pa ng abogado na nakialam at tinangka umanong pigilan ni Sermonia ang mga ahente ng CIDG’s Anti-Fraud Division sa pagsilbi ng search warrant sa illegal refilling station sa Valenzuela City noong Marso 23 ng taong kasalukuyan.