Health benefits para sa mga beterano - PNoy
MT. SAMAT, Bataan ,Philippines —Kinilala ni Pangulong Benigno Aquino III ang katapangan at katatagan ng mga beterano na kasama sa ‘Death March’ kung saan ay ipinagtanggol ang bansa mula sa mga manlulupig hanggang sa huling patak ng kanilang dugo.
Sinabi ni Pangulong Aquino sa kanyang mensahe sa pagdiriwang ng Araw ng Kagitingan na ginanap sa Dambana ng Kagitingan dito, utang ng bawat Filipino sa mga beterano ang tinatamasa nating kalayaan.
Siniguro din ni PNoy sa mga beterano na hindi nagpapabaya ang gobyerno para sa kanilang hanay kung saan ay lalong pinalawak ang benepisyong pangkalusugan ng mga ito sa pamamagitan ng 599 accredited hospital ng Veterans Memorial Medical Center sa buong bansa upang magbigay ng serbisyong-medical sa mga beterano saang sulok man ng bansa para gamutin ang mga katarata, coronary angiogram at cardiac bypass sa mga veterans.
Ipinagmalaki din ng Pangulo ang pagpapatupad ng Direct Remittance Pension Servicing System kung saan ay mas mabilis at mas wastong natatanggap ng mga beterano ang kanilang pension.
Sinabi din ni Aquino na nilinis na ng gobyerno ang talaan ng mga pensyonado upang masigurong ang pera ay nakakarating sa dapat lamang nitong patunguhan.
“Salamat po iyan po ang ilan sa mga paraan upang kilalanin natin ang kagitingan ng ating mga beterano, na ginugunita natin sa araw na ito. Mahabang panahon na rin po ang lumipas; at marami na rin ang nagbago. Ang bansang dating kalaban ay isa nang kaibigan,” wika pa ni Pangulong Aquino.
Naroroon din sa okasyon sina dating Pangulong Ramos, kinatawan ng US Embassy at ang ambassador ng Japan sa Pilipinas.
- Latest
- Trending