MANILA, Philippines - Ipagbabawal ng pamahalaan ang paglabas ng tahanan ng mga residente sa Regions I,II, III, IV-A, IV-B, Region 5 at maging sa National Capital Region (NCR) kaugnay ng nakatakdang paglulunsad ng missile ng North Korea sa darating na Abril 12-16.
Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Benito Ramos, ang hakbang ay bahagi ng inlatag na contingency measure ng kaniyang tanggapan na inirekomenda mismo ni Philippine Nuclear Research Radiological Institute Director Alumandra de la Rosa.
Samantala, nakahanda rin ang contingency measure sakaling kailanganin ng evacuation ng mga residente.
Una nang inihayag ni Ramos ang pagpapatupad ng ‘no fly zone’ at ‘no sail zone’ sa lahat ng mga eroplano, maglalayag na bangka at mga barko sa mga lugar na posibleng tamaan ng trajectory ng debris umano ng nasabing missile mula alas-6 ng umaga hanggang ala-1 ng hapon. Ang missile launching ng North Korea ay itinakda mula alas-7 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali sa nasabing mga petsa.
Sinabi naman ng opis yal na mapipilitan silang hulihin ang mga matitigas ang ulong mga mangingisda na magpupumilit pumalaot kung saan ay inalerto na ang Philippine Coast Guard, Philippine Navy at maging ang PNP-Maritime Group.
Sa monitoring ng Department of Foreign Affairs (DFA), sinabi ni Ramos na ang ‘polar orbit ‘ ng bagong Sohae Satellite Launching Station sa Pyongyan Province ng North Korea ay malapit lamang sa hangganan ng China at ang dadaanan ng missile ay sa katimugang direksyon ng himpapawid sa South Korea, patungo sa Taiwan at Pilipinas.
Tatahak umano ang ilulunsad na missile sa silangang bahagi ng Region 2 sa Sta. Ana, Cagayan; Polilio Island, Camarines Norte, Catanduanes at iba pang lugar sa Luzon.
“The second stage (Nokor missile) is expected to fall in an area 190 KM east of Luzon,” ayon pa sa NDRRMC.
Ayon pa kay Ramos, ang Kwangmyongsong 3 long range missile ng North Korea ay kahalintulad umano sa Taepodong missile na idini-develop ng nasabing bansa bilang delivery system para sa weapons of mass destruction.