MANILA, Philippines - Hindi umano makukumbinsi ng gobyerno ang publiko sa panawagan na magtipid sa konsumo ng gasolina kung hindi unang magpapakita ng ehemplo ang mga opisyal ng pamahalaan.
Ito ang inihayag ni Senator Gringo Honasan makaraang paboran ang panawagan ni UP Prof. Clarita Carlos na dapat unang magpakita ng pagtitipid ang mga opisyal ng gobyerno sa pamamagitan ng hindi muna paggamit ng mga SUV dahil halos nagmumumog ito ng gasolina.
Ayon kay Honasan, noon pa man ay mallit na kotse at hindi SUV ang kanyang ginagamit dahil mas matipid ito sa gasolina.
Nagbiro pa ang senador na hindi na niya kailangang gumamit ng SUV para magpagwapo.
Sinabi ni Honasan na ngayong may panawagan ang Malacañang na magtipid sa konsumo sa langis sa harap ng serye ng pagtaas ng presyo ng petrolyo makabubuting sumunod ang publiko pero dapat anyang unang tumalima dito ay mismong mga opisyal ng pamahalaan.