MANILA, Philippines - Pinalagan ng National Employees Union ng Department of Education (DepEd) ang pag-alis sa kanilang overtime (OT).
Ayon kay Atty. Domingo Alidon, pangulo ng DepEd Employees Union, nabigla sila sa impormasyong ipinarating sa kanila ni Undersecretary for Finance and administration Francisco Varela na nagtakdang hanggang Marso 31 na lamang ang overtime ng lahat ng empleyado sa kagawaran.
Sinabi ni Alidon, taliwas ito sa Civil Service Code na nagtatakdang maaring mag-overtime ang mga empleyado ng pamahalaan.
“Hindi namin maintindihan ang gusto nilang mangyari. Kung gusto nilang magtipid bakit hindi nila unahin na tapyasan ang sahod ng mga matataas na opisyal ng departamento? Buti nga sila bukod sa malalaki ang sahod marami pang mga perks na natatanggap samantalang ang mga ordinaryong empleyado nagtitiis sa kakarampot na sahod,” ani Alidon.