MANILA, Philippines - Ang “Noynoying” ang nakikitang dahilan ng militanteng grupo ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) kung bakit bumagsak ang satisfaction ratings ni Pangulong Noynoy Aquino sa unang tatlong buwan ng taong 2012.
Ayon kay George San Mateo, national president ng PISTON, maraming bilang na ng mga tsuper at mamamayan ang naniniwala na “Noynoying” o walang ginagawa si Aquino sa mga problema sa bansa laluna ng kahirapan at kuryente kayat nagkaroon ng malaking pagbaba ng satisfaction ratings ng chief executive.
Sa kabila ng pagkibit balikat ng Palasyo sa net satisfaction ratings ng Pangulo, naniniwala ang PISTON na iniinda niya ito nang husto kung kayat naobliga ang Punong Ehekutibo na magsagawa ng papoging “inspeksyon kuno” sa mga terminal, pantalan at paliparan.
Nagkamali rin umano si Aquino sa pagpili ng kanyang Communications Group sa pag-aakalang maalis agad ang imaheng “Noynoying” sa pamamagitan lang ng isang publicity stunt.