PHNOM PENH, Cambodia (Via PLDT/Smart) - Posibleng ilikas ang mga residente sa mga lugar na maaring pagbagsakan ng ‘debris’ ng isasagawang missile test ng North Korea sa lalawigan ng Aurora sa pagitan ng Abril 12-16.
Sa pahayag dito ng Pangulo, inutos niya sa Office of Civil Defense (OCD) at National Risk Reduction Management Council (NDRRMC) ang paghahanda upang masiguro ang kaligtasan ng mamamayan.
Wika pa ni PNoy, dapat lamang maghanda ang Pilipinas matapos sabihin ng ilang experts na hindi matitiyak ang eksaktong pagbabagsakan ng ‘debris’ ng missile test ng Nokor hangga’t hindi nito napapakawalan ang kanilang long-range ballistic missile.
“We have to prepare for the worst and hope for the best. Kesa naman prepare for the best, di ba, and be totally unprepared for the worst,” giit pa ni Aquino sa media delegations na kasama niyang dumalo sa ASEAN Summit dito.
Idinagdag pa ni Aquino, ayaw niyang takutin ang taumbayan pero nais lamang niyang masiguro ang kaligtasan ng mamamayan.
Inihalimbawa ni PNoy ang nangyari noon sa pagbagsak ng ‘skylab’ kung saan inakala ng ilang Filipino na ito ay babagsak sa likod ng kanilang bakuran dahil sa ‘pinalaking’ balita hinggil dito na lumikha ng matinding takot at ayaw niyang mangyari ito. Gayunman nais lamang niyang maghanda sa posibleng ‘worst scenario’ pero umaasa siya na hindi tumama sa Aurora at karatig lalawigan ang sinasabing debris nito.
Nagbabala na mismo ang Nokor na dapat magpatupad ng ‘no fly zone’ sa path na posibleng daanan ng kanilang missile test habang ang Civil Aviation Board (CAB) sa Pilipinas ay nagpatupad na rin ng ‘no fly zone’ sa Aurora sa pagitan ng Abril 12-16 sa mga oras na alas-7 ng umaga hanggang ala-1 ng hapon matapos baguhin nila ang ruta ng kanilang missile test at hindi na dadaan sa himpapawid ng Japan at South Korea.
Bukod dito, paghahandaan din ang seguridad ng may 50,000 OFWs na nasa South Korea sa sandaling lumikha ng matinding tension sa Korean peninsula ang isasagawang missile test ng Nokor.