Posisyon ng Pinas sa Spratlys inilatag ni PNoy sa ASEAN
MANILA, Philippines - PHNOM PENH, Cambodia (Via PLDT/Smart) - Iginiit kahapon ni Pangulong Aquino sa plenary session ng 20th ASEAN Summit ang posisyon ng Pilipinas na dapat munang balangkasin ang Code of Conduct (COC) sa West Philippine (South China Sea) bago makipag-usap ang ASEAN bilang grupo sa China.
Nilinaw naman ni Ambassador Wilfrido Villacorta, permanent representative ng Pilipinas sa ASEAN, na ang binitiwang pahayag ni Pangulong Aquino sa plenary session ay hindi nangangahulugan ng pakikipag-away sa China kundi nais lamang nating ipakita ang posisyon ng bansa ukol sa isyu ng Spratly islands.
Sinabi pa ni Amb. Villacorta, walang naging ‘strong opposition’ mula sa mga bansang dumalo sa ASEAN sa naging statement ni Pangulong Aquino.
Wika pa ng kinatawan ng Pilipinas sa ASEAN, ginawa ng Pangulo ang pahayag sa plenary session upang igiit din ang centrality ng ASEAN.
Bukod sa China at Pilipinas ay claimants pa din sa Spratly islands na nasa West Philippine Sea (South China Sea) ang Brunei, Vietnam, Taiwan at Malaysia.
Naunang inihayag ni Chinese President Hu Jin Tao sa kanilang joint statement ni Cambodian King Preah Bat Samdech Preah Boromneath Norodom Sihamoni ang kanilang pagnanais na malutas nang maaga ang isyu sa South China Sea.
Sinabi din ni PNoy ang concern ng Pilipinas sa Climate Change at Risk Reduction Management gayundin ang reduced remmitance charges sa mga migrant workers ng ASEAN countries.
Inaasahan din ni Aquino ang connectivity ng mga bansang miyembro ng ASEAN sa pamamagitan ng Roll On-Roll Off (RORO) na magkokonekta sa mga bansa sa rehiyon kung saan ay mapapabilis na din ang pagluluwas at pagpapasok ng mga produkto mula sa mga neighboring countries na miyembro ng ASEAN na inaasahang magiging pinal sa 2013.
- Latest
- Trending