300 Sundalo isinalang sa drug test

MANILA, Philippines - Umaabot sa 300 sundalo ang isinalang kahapon ng Armed Forces of the Philippines sa sorpresang mandatory drug testing sa AFP Wellness Center sa Camp Aguinaldo.

Sinabi ni AFP-Public Affairs Office (AFP- PAO) Chief Col. Arnulfo Marcelo Burgos Jr. na  isinagawa ang drug testing matapos ang flag raising ceremony nitong Lunes na pinangunahan ni Brig. Gen. Remegio de Vera, Camp Commander.

Ang hakbang ay alinsunod sa direktiba ni AFP Chief of Staff Gen. Lt. Gen. Jessie Dellosa na tiyaking ‘drug free’ ang nasa 125,000 malakas na puwersa ng sandatahang lakas ng bansa.

Noong Hulyo 2011 ay binuo ng AFP ang Anti –Drug Task Force Moses at  lahat ng AFP units ng AFP ay ipinasasalang sa drug test kung saan nasa 387 mi­yembro at opisyal ng ISAFP ang unang sinampulan ng mandatory drug testing. 

Sinabi pa ni Burgos na sinubaybayan ng Intelligence of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) bilang namumuno sa Task Force Moses ang drug test  habang ang mga sample ng mga ihi ng mga isinalang sa pagsusuri ay pinangasiwaan naman ng mga kinatawan ng Department of Health (DOH).

Nabatid na sakaling mapatunayang positibo sa paggamit ng droga ay isasalang sa imbestigasyon ng Provost Marshall ng AFP at maaaring tanggalin sa serbisyo. 

Show comments