MANILA, Philippines - Pinaalalahanan ng Department of Health (DOH) ang mga nananampalataya tuwing Semana Santa laban sa panganib na dulot ng ‘heat stroke’.
Ayon kay Dr. Lyndon Lee-Suy, program manager ng DOH-Emerging and Re-emerging Infectious Diseases, maaaring malagay sa panganib ang buhay ng mga magpepenitensiya dahil sa prosesong ito ay iniiwasan ang pagkain at pag-inom hanggang sa tamaan ng heat stroke.
Nabatid na ang heat stroke ay nagaganap kapag nag-‘overheat’ ang katawan ng tao dahil sa init ng panahon at direktang pagkabilad sa araw, na hindi kayang palamigin ng pawis.
Ilan sa sintomas ay mainit at namumulang balat, pagkahilo, panghihina at pananakit ng ulo na maaaring magresulta sa mataas na lagnat na hanggang 41 degree celsius, mabilis na tibok ng puso, kumbulsiyon, pagdedeliryo at pagkawala ng ulirat kung hindi maaagapan.
Payo ni Lee-Suy, upang makaiwas sa heat stroke, dapat limitahan ang pananatili sa labas ng bahay partikular kung napakainit ng panahon, uminom ng maraming tubig at umiwas sa kape, soda at alak, magsuot ng preskong damit at proteksiyon laban sa sikat ng araw.
Sakaling dumanas na ng heat stroke ang isang tao ay kaagad na dalhin ito sa malilim na lugar o sa loob ng bahay, pahigain ng nakataas ang mga binti, alisin ang damit, at lagyan ng ice pack sa kili-kili, pulso, bukung-bukong at singit.
Hindi lamang ang mga nagpepenitensiya ang nanganganib na tamaan na heat stroke kundi maging ang mga taong nanonood ng mga nagpepenitensiya dahil nakabilad din ang mga ito sa sikat ng araw.