MANILA, Philippines - Numero uno umano ang Pilipinas sa mga bansa sa Asya na may pinakamataas na bilang ng taong gumagamit ng shabu.
Batay sa pinakahuling ulat ng United Nations (UN) sa naganap na kumperensya ng UN Office on Drugs and Crime sa Tokyo, Japan nitong Pebrero, lumitaw na mahigit dalawang porsyento ng populasyon sa Pilipinas ang gumagamit ng shabu mula 16-anyos hanggang 64-anyos.
Pero giniit ni National Bureau of Investigation (NBI) Anti-illegal Drugs Task Force Commander Atty. Ruel Lasala, kaliwa’t kanan na ang mga operasyon ng iba’t ibang narcotics agencies tulad ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine National Police (PNP), Bureau of Customs (BOC) at NBI.
Dagdag pa ni Lasala, pinag-uusapan na ngayon ng mga ahensyang bahagi ng anti-illegal drugs campaign kung ano ang ginamit na basehan ng report dahil may posibilidad anyang hindi nagsumite ng tunay na report ang ibang bansa samantalang ang Pilipinas ay nagpadala ng makatotohanang ulat.
Ayon pa sa NBI, marami nang nabuwag na laboratoryo ng shabu sa bansa at indikasyon din ang pagtaas ng presyo ng shabu na kumokonti na ang suplay ng droga sa Pilipinas.
Sa ngayon, umabot na sa P5 milyon ang presyo ng shabu kada kilo.