MANILA, Philippines - Nilinaw ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Kim Jacinto-Henares na hindi naman kakasuhan ng ahensiya si boxing champ at Sarangani Rep. Manny Pacquiao at inaantay lamang nila na maisumite ang kailangang dokumento ng ahensiya sa mga kita nito.
Ayon kay Henares, kung isusumite lang naman ni Pacquiao ang mga kinakailangang dokumento ay wala ng magiging problema pa at walang ipaghaharap na reklamo laban dito.
Una nang napaulat na sinabi ni Atty. Franklin Ladores, revenue district officer ng BIR GenSan, na nag-submit na si Pacquiao ng kaniyang counter affidavit sa initial complaint sa isyu ng hindi pagbabayad ng tamang buwis at inaasahan na magkakaroon ng evaluation ang Koronadal City Prosecutor’s Office kung may sapat na basehan para kasuhan o hindi ang naturang mambabatas.
Si Pacquiao, eight-time world champion, ay nahaharap sa kasong criminal dahil umano sa pagpigil o obstruction sa imbestigasyon ng BIR tungkol sa kanyang mga kinita.
Nagdeklara ito ng P1.13-B assets noong 2010 at walang liabilitiy o anumang bayarin. Siya rin ang itinuturing na pinakamayamang miyembro ng Kongreso.