AFP nagbabala vs terror attack sa Semana Santa
MANILA, Philippines - Nagbabala kahapon ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa posible umanong pananabotahe ng mga teroristang grupo tulad ng pambobomba sa mga simbahan at beach resort sa mga pamosong lugar sa bansa na dinarayo kaugnay ng paggunita sa Semana Santa.
Sa press briefing kahapon sa Camp Aguinaldo, sinabi ni Brig. Gen. Roberto Almadin, co-chairman ng binuong Joint Peace and Security Coordinating Council, hindi nila isinasantabi ang posibilidad na mangyari rin sa Pilipinas ang pambobomba ng international terrorist groups sa beach resort sa Thailand nitong nakaraang Pebrero.
“That’s an assessment its an opportunity for them so we are not discounting that possibility, media hungry ang mga yan ( terrorist groups ),” ayon kay Almadin kaya mas mabuti na umano ang maging vigilante at umalerto.
Samantala isinailalim na rin ng Philippine National Police (PNP) sa full alert status ang buong puwersa nito sa bansa kabilang ang Metro Manila na pinalakas pa ang visibility operations ng kapulisan sa mga simbahan, bus terminals, daungan, paliparan, MRT at LRT stations, mga simbahan, mall at iba pang matataong lugar.
Sa Metro Manila, todo bantay na rin ang kapulisan sa malalaking simbahan upang pangalagaan ang seguridad ng mga taong magtutungo rito para sa Visita Iglesia.
Noong 2005 ay nasilat ng mga awtoridad ang tangkang pambobomba ng Rajah Solaiman Movement (RSM) terrorist group sa Malate Church at night club na naganap sa panahon rin ng paggunita sa Kuwaresma.
- Latest
- Trending