Lacierda binira sa power crisis
MANILA, Philippines - Hinamon ng isang kongresista si Presidential spokesman Edwin Lacierda na magtungo sa Mindanao at tingnan ang tunay na sitwasyon dito upang hindi nito maliitin ang krisis sa kuryente sa naturang rehiyon.
Ayon kay Agham party list Rep. Angelo Palmones, dapat na mismong si Lacierda na ang magtungo sa Mindanao upang masaksihan nito mismo kung ano ang tunay na problema sa kuryente sa Mindanao.
Ito ay dahil sa iginigiit umano ni Lacierda na 2 hanggang 3 oras lamang ang brownout sa Min danao gayung umaabot ito ng 8 oras.
Bukod dito, tinuligsa din ni Palmones ang magkakaibang pahayag ni Lacierda at ng mga kaalyado nito sa Malacañang tungkol sa emergency power para maresolba ang kriris sa kuryente sa nasabing rehiyon kayat lumalabas na wala umanong kakayahan ang kasalukuyang administrasyon na solusyunan ang nasabing problema.
Samantala, tutol naman sina Eastern Samar Rep. Ben Evardone at Aurora Rep. Juan Edgardo Angara na sibakin sa puwesto si Energy Secretary Jose Rene Almendras.
Sa halip na sipain sa tungkulin si Almendras ay dapat na suportahan ito dahil may mga plano na ito para maresolba ang krisis sa kuryente.
Kung palalayasin si Almendras ay mas lalala umano ang problema dahil muli na naman pag-aaralan ng bagong papalit ang problema dito.
- Latest
- Trending