MANILA, Philippines - Madalas na reklamo ng maraming pampublikong paaralan ang kakulangan ng kagamitan ng mga estudyante at guro kapag pasukan.
Pero sa Tagum City, pinapurihan ni Interior and Local Government secretary Jesse Robredo ang lokal na pamahalaan dito dahil sa paggamit ng mga nakumpiskang iligal na troso, para maging silya, desks at lamesa para magamit sa pampublikong paaralan.
Ang naturang programa ay bahagi ng proyekto ng Tagum City sa kanilang “Care for School Chairs” na pangunahing gawing kapaki-pakinabang ang mga nakukumpiskang “hot logs” sa naturang lalawigan.
Ayon kay Robredo, dapat na papurihan ang proyekto ng Tagum dahil nagamit nilang mabuti ang mga troso para sa ikabubuti ng kanilang mga estudyante.
Umabot sa 260 school chairs ang ibinigay sa Manat National High School sa munisipalidad ng Nabuntuan, bilang parte ng nasabing proyekto.
Sinabi ng kalihim, ang ginawa ng city government ng Tagum ay hindi lamang makatutugon sa kakapusan ng kasangkapan sa paaralan sa mga pampublikong paaralan, kundi nagpapakita din kung papaano ang paraan para makapaglaan sa pangangailangan ng komunidad.
Marso nang simulan ng Tagum City government ang pamamahagi ng school furniture sa mga paaralan bilang parte ng social responsibility ni Mayor Rey Uy sa kalapit na siyudad at munisipalidad sa rehiyon ng Davao kung saan aabot sa 29,076 na piraso nito ang naibigay.
Ang mga gamit sa paaralan ay mula sa nakumpiskang iligal na pagto-troso ay ibinigay ng libre sa iba’t ibang paaralan sa siyudad gayundin sa kalapit na siyudad at munisipalidad sa rehiyon ng Davao.