Asam na piyansa ni Abalos lalong tumagal
MANILA, Philippines - Lalo pang tumagal ang pagdinig sa petisyon para makapagpiyansa si dating Commission on Elections Chairman Benjamin Abalos, Sr. makaraang ipagpaliban ito ng Pasay City Regional Trial Court dahil sa hindi pagsulpot ng testigo ng prosekusyon na nakatakda sanang sumalang sa pagtatanong.
Sa isinumiteng medical certificate ng abogado ni dating South Cotabago election supervisor Lilian Suan Radam, nakasaad ang pagkakaroon niya ng hypertension o pagtaas ng presyon ng dugo, pagtaas ng blood sugar at peripheral neuropathy na may lagda ng isang Dr. Rex Vener Palma ng Unihealth Taytay Hospital.
Dahil dito, muling itinakda ni Judge Eugenio Dela Cruz sa Abril 18 ang pagdinig sa usapin, pati na ang inihaing motion for reconsideration ng kampo ni Abalos sa ibinasurang motion to quash.
Muli namang uminit ang ulo ni Abalos, isa ring abogado, dahil sa umano’y pagpapatagal sa pagdinig kung saan maaari naman umano itong itakda sa Abril 16 o 17. Tumanggi dito si Atty. Nena Santos, abogado ni Radam, kung saan nagkaroon ng bangayan ang magkabilang kampo.
Nabatid na naituro pa ng kanyang daliri ni Abalos si Santos habang sinasabihan nito na subukang makulong kahit isang araw. Ikinairita ito ni Santos na nagbanta na huwag na itong gagawin sa kanya.
Nanatili naman ang kautusan ni Judge dela Cruz na isagawa ang pagdinig sa Abril 18 kung saan kapag hindi nakasulpot si Radam ay hindi na ito papayagan na makapagbigay ng kanyang testimonya. Magiging malaking pabor ito sa panig ng depensa para mapayagan na makapaghain na ng piyansa sa kasong electoral sabotage.
- Latest
- Trending