Kahinaan ni PNoy, nasa miyembro ng Gabinete
MANILA, Philippines - Kinondena ng Kilusan Kontra Kabulukan at Katiwalian (4K) si Pangulong Benigno Aquino III sa pagpupumilit na italaga ang ilang miyembro ng kanyang Gabinete na ibinasura na ng Commission on Appointments (CA) at nagiging sanhi ng kanyang mahinang pamumuno sa Palasyo.
Ayon kay 4K Chairman Dominador Pena, dapat nang sibakin ni PNoy ang mga miyembro ng Gabinete na nagpakita ng kahinaan at pagkairesponsable habang nasa tungkulin tulad nina DENR Sec. Ramon Jesus Paje at DSWD Sec. Dinky Soliman.
“Hindi na dapat ipilit ni PNoy ang mga miyembro ng kanyang Gabinete na tinanggihan na ng CA lalo si Paje na pumalpak ng hindi pagkalooban ng ECC (environmental compliance certificate) ang $6 bilyong Tampakan Copper-Gold project dahil lamang sa open-pit mining ban ng South Cotabato,” ani Pena.
Ayon kay Pena, ang pagiging iresponsable ni Paje ay nakita mismo ng Chamber of Mines of the Philippines na halos nagdeklarang “pagsabotahe” sa ekonomiya ang aksiyon nito laban sa Tampakan project.
Tinuligsa rin ng 4K ang reappointment ni Soliman sa DSWD dahil kabilang ito sa grupo ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na sinabing nanalo noong 2004 dahil sa pandaraya at nakinabang umano sa maanomalyang Peace Bonds ng CODE-NGO.
- Latest
- Trending