Corona mapipilitang tumestigo
MANILA, Philippines - Mapipilitan umanong tumestigo si Chief Justice Renato Corona sa Senate impeachment court sa sandaling hindi tumestigo ang asawa nitong si Cristina.
Ayon kay prosecution spokesman Miro Quimbo, ang testimonya lamang ni Corona at asawa nito ang magiging matibay na ebidensya upang maabswelto ito.
Subalit kung totoo na hindi na tetestigo si Mrs. Corona, nangangahulugan umano ito na walang ibang opsiyon ang depensa kundi iprisinta ang Punong Mahistrado.
Giit ni Quimbo, kung walang magiging testimonya si Chief Justice Corona ay dapat nang isurender ng depensa ang kanilang kaso.
Una ng sinabi ng Punong Mahistrado na handa siyang humarap sa impeachment court at isa-isang sagutin ang lahat ng alegasyon na nakasaad sa articles of impeachment subalit kanya na lamang umanong ipapaubaya sa defense team kung kailangan ang kanyang testimonya sa pagdinig.
Nauna na ring inihayag ni lead defense counsel Serafin Cuevas na tetestigo si Mrs. Corona subalit sa mga huling pahayag ng abogado ay pag-aaralan muna nila kung ano ang kanilang opsiyon.
- Latest
- Trending