MANILA, Philippines - Tiwala pa rin ang prosecution panel na malakas ang kanilang ebidensya laban kay Chief Justice Renato Corona sa kabila ng pagtestimonya ni dating Manila Mayor Lito Atienza.
Ayon kay lead prosecutor at Iloilo Rep. Niel Tupas Jr., na sa dalawang linggong presentasyon ng testigo at ebidensya ng depensa ay wala pa ring sapat na ebidensya na posibleng magpawalang sala kay Corona.
Aminado naman si Tupas na ang nakikita lamang nilang substantial ay ang testimonya ni Atienza na nagpapatunay tungkol sa pagbebenta ng lupa ng Basa-Guidote sa local na pamahalaan ng Maynila sa kabila umano nito ay mayroon pa ring loopholes dito dahil ang perang napagbentahan ay idineposito sa account ni Mrs. Cristina Corona kaya dapat ay nag-reflect din ito sa Statement of Assets, Liabilities and Net worth (SALN) ng punong Mahistrado.
Sa kabila nito, ipinauubaya na rin umano ng prosekusyon sa impeachment court ang pagdetermina kung tatanggapin itong ebidensya para kay Corona.