MANILA, Philippines - Ipinakulong ng Social Security System (SSS) ng apat na taon at siyam na buwan ang anak ng isang miyembro ng SSS dahil sa pag-claim ng pekeng funeral benefits ng tatay nito sa ahensiya.
Bukod sa kulong, pinagmumulta din ng Manila court si Jhonabeth Barbadillo ng P5,000 nang papaniwalain nito ang ahensiya na namatay na ang kanyang tatay at nailibing sa Pasay Public cemetery noong 1997 kayat nakakuha ng benepisyo sa ahensiya pero nitong huli ay nadiskubreng peke pala ang mga dokumento.
Sinampahan ng kaso ng SSS si Barbadillo noong taong 2000 makaraang makumpleto ng ahensiya ang imbestigasyon sa kaso ng pagkamatay ng kanyang tatay na si Quirico Buendia.
Sa huli, hindi inamin ng akusado na pineke ang dokumento sa pag-claim ng benepisyo sa SSS pero napatunayan ng korte na ito ay nagkasala sa kasong falsification of public documents dahil sa mga testimonya ng mga saksi at mga ebidensiya laban dito.
Pinayuhan naman ng SSS ang publiko na huwag gayahin ang maling gawaing ito dahil kulungan lamang ang kahahantungan oras na mahuling nagkasala sa batas hinggil dito.