MANILA, Philippines - “An Act establishing and providing for free College Education in Information and Communications Technology and for other purposes”.
Ang nasabing panukala ay inihain noong July 1, 2010 ni Rep. Rachel Marguerite del Mar na naglalayon na magbigay na libreng edukasyon sa kolehiyo ng dalawang taong college degree course o programa na may kinalaman sa Information and Communication Technology (ICT) sa bawat unibersidad at state colleges sa buong bansa para sa mga high school gradutes na nagmula sa mga pampublikong paaralan.
Ang House Bill 26 mas kilala sa tawag na “Free Information and Communication College Education Act of 2010” ay nagtatakda din ng libreng tuition fee at anumang bayarin sa eskuwelahan para sa mga kwalipikadong beneficiaries na mag e-enroll sa mga state colleges at universities.
Subalit maari namang ma-terminate ang libreng edukasyon sa sandaling bumagsak sa loob ng dalawang magkasunod na semester sa mga major subjects ang isang estudyante samantalang maari namang mamili ang isang mag-aaral kung saan paaralan nito nais na mag-enrol subalit kung wala namang mga unibersidad o kolehiyo na malapit sa tinitirahan nila ay maari din silang pumasok sa mga specialized schools na minamantine ng gobyerno.
Hindi naman itinatadhana ng nasabing panukala na babayaran ng gobyerno ang iba pang bayarin ng estudyante tulad ng mga students organizations o anumang aktibidad na sinisingil sa unibersidad o kolehiyong papasukan ng estudyante maliban na lamang kung ito ay makakasagabal sa enrollment o graduation ng isang kwalipikadong beneficiary.
Dalawang taon na ang nakakalipas, subalit usad pagong pa rin ang HB 26 dahil hanggang ngayon ay nasa Committee on Higher and Technical Education pa rin ito at halos hindi pa rin gumalaw upang maaprubahan at tuluyan nang maisabatas at mapakinabangan na ng milyon kabataang Filipino na nagnanais na mag-aral subalit dahil sa kakapusan ng pera na pampaaral ng kanilang mga magulang ay hindi magawang mapatapos kahit ng high school ang kanilang mga anak.
Naitanong ko tuloy sa aking sarili, kailan kaya maisasabatas ang House Bill 26? Panahon na para madaliin ng Kamara ang agarang pagsasabatas ng HB 26 at mapakinabangan na ng milyon-milyong kabataang Filipino.
Ang makabuluhang panukalang batas ay kahalintulad rin ng bilang ng taong anibersaryo na ipinagdiriwang ng Pilipino Star Ngayon na may temang “Siksik, Liglig sa 26”.
Katulad sana ng ika-26 na taon na ng Pilipino Star Ngayon na itinatag ni Betty Go-Belmonte noong ng Marso 17, 1986 kung naipasa na ito sa Kongreso ay milyong kabataan na sana ang napagtapos sa pag-aaral ng kanilang mga magulang.
Sa loob na rin ng 26 taon ng PSN, marami na rin itong natulungang mga magulang at iba pa na nagpapaaral ng kanilang mga anak at kaanak dahil na rin sa “umaapaw” na sahod at sobrang mga benepisyo na ibinibigay ng aming publisher na si Mr. Miguel Belmonte.
Hindi tinulugan ni Mr. Belmonte ang pangangailangan ng mga empleyado nito lalo na kung sa edukasyon, pangkalusugan at iba pang needs ng mga tauhan nito.
Kayat tulad ko na bago pa lamang nagpapaaral ng aking mga anak ay nagpapasalamat ako sa Diyos dahil hindi tulad ng ibang magulang na nangangamba kung saan kukuha ng pagpaaral sa aking mga anak ay tiwala ako na gagamiting instrumento ng Panginoon ang PSN upang mapagtapos ko ang aking mga anak dahil sa patuloy nitong paglago sa merkado sa kabila ng krisis na dinaranas ng bansa.
“To God be the Glory”.